Naalala ko nung bata pa ako, madalas akong umiyak pag iniiwan ako ng nanay kapag pupunta syang palengke o kung saan man na hindi nya ako kasama. Sa mga sandaling hindi ko sya katabi, feeling ko ang laki ng mundo at kakainin ako nito. Sa madaling salita, hindi ako komportable kapag wala sya.
Minsan naiinis ako sa mga pamangkin ko na iyak ng iyak o kahit kay Pao kapag umiiyak sya kahit pupunta lang ako ng kusina. Ok, clinging stage, pero parang gusto kong sabihin sa kanya na…”anak, eto lang ang mommy, hindi mawawala, ano ka ba naman!”
Kahapon, hindi pangkaraniwan pero natulog sya ng mahigit na tatlong oras. Para bang alam nya na kailangan nyang magpuyat kagabi. Pagdating ko tulog pa sya kaya inayos ko muna ang mga gamit nya. Double check kung ok na ang lahat, inihanda ko ang mga bote ng gatas, ang hand carry at ang mga papeles nya. Ng magising sya nandun na agad ako, isang ngiti ang ibinigay nya sa akin. Sabi ng tatay ko, maghapon daw na nasa “bahay nya” (ilalim ng lamesa), hindi lumalabas doon at kampanteng binabasa si Pooh (Adventures of Winnie the Pooh book). Ivinedeo pa nga ng tatay ko.
Sandali kaming naupo, nanood ng mga telenovela, pinainom ko na sya ng gatas at ipinapahinga. Hindi ako sanay ng hindi naglilikot si Pao, pero kagabi nakahiga lang sya sa kama ni Tatay, nakataas ang dalawang paa sa dingding at nanonood ng tv. Relaxed kumbaga.
Ng nasa sasakyan na kami papuntang airport, nag kakaasaran na. Sino ang mas malakas pumalahaw, ako o si tatay. Sa totoo lang, maga na ang mga mata ng tatay ko ng dumating ako, halatang umiyak at di nakatulog. Si pao, na parang nang-iinis, humulig kay tatay at ska hinahagod-hagod ang ang balikat ng tatay ko at sabing “tahan..tahan…lab”. Alam ni Mmy Lei ang ugali ni Pao na ito, nakita nya si Pao ng nakaraang gabi.
Mas maluwag ang aiport dito kaysa sa pinas, nakapasok ako kahit hindi ako pasahero, ganon din ang iba pa lalo na kung ang aalis ay ang iyong pamilya, ito kasi ang prioridad nila, ang pamilya. Maraming nangyari, saka ko na ikukwento.
Ilang araw na akong tulala, hindi naman totally blank pero wala ako sa konsentrasyon. Marahil sa dahilang hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Kagabi nakita ko ang lahat ng dahilan ng pagkakaganito ko.
Gusto sanang magsisi, o magback out. Gusto ko sanag wag ng iuwi si Pao. Gusto ko sanang sabihin na hindi na lang…pero hindi. Hindi yun ganon. Pagdating ni Pao sa pintuan ng immigration, hinalikan ko sya. Buong gabi ko na syang hinahalikan, inaamoy amoy. Gusto kong matandaan ang amoy nya, ang mukha nya, ang ngiti nya, yung lambing nya. Napupuno ako ng lungkot kapag naiisip ko na iiwan nya ako.
Isang maling bagay ang nagawa ko, nagbreakdown ako sa harap nya. Kitang kita ko sa mga mata ng anak ko ang pag-aalala. Bigla syang umiyak, iyak pero hindi palahaw, iyak lang. Lumuluha lang sya, humihikbi. Hindi iyak bata, kundi iyak ng takot at pag aalala. Para sa akin.
Hindi na nya ako nagawang aluin tulad ng ginawa nya kay tatay, hindi ko na sya niyakap, tumalikod na ako, mabilis ang lakad, palayo. Hindi ko pala kaya, masakit pala. Akala ko tulad lang ito ng paalaman namin noon.Paglulan ng eroplano, isnag iyak pa wala na. Iba pala ang anak. Masakit, ansakit, nakakhiya man sa ibang tao na nasa airport, humagulgol na ako sa isang sulok. Ayokong lumabas sa waiting area kung saan nandun si tatay, ate Winnie at Ellen na dun pa ako ngangawa. Sa isang sulok, malapit sa immigration room, iniyak ko lahat.
Sa unang pagkakataon, natimbang ko kung gaano ko kamahal ang aking anak. Kagabi ko nalaman na hindi ko kayang mawala sya. Sa pagkakataong yon naramdaman ko ang pagiging ina. Nanay na ako…,nanay na ako.
Isang leksyon ang natutunan ko, bagong bahagi sa haligi ng buhay-pamilya. Isang pagkakataon na hindi ko makakalimutan, at ni hindi ko na nanaisin na mangyari muli…ang mahiwalay sa akin ang aking anak.
Bigla ko naisip ang nararamdaman ni Pao sa pagkakataong ito. Hinahanap kaya nya ako? Naiiyak rin kaya sya gaya ko? Malungkot din kaya sya? Ahh, ngayon alam ko na, hindi ang kapakanan ko ang mauuna, hindi rin si Panday. Si Paolyne ang buhay ko at ni Jovel, Si Paolyne lang.
Mahal na mahal ka ng mommy, Pao…iiintayin ko ang pagbabalik nyo.












