PAALAM MUNA...
Ilang beses kong sinimulan ulitin ang entry na ito. Tulad ng dati, hirap pa rin akong ibukas ang tunay kong damdamin.
Maraming naitulong sa akin ang blog. Natuto akong maging expressive, mas expressive. mas malinaw, mas klaro kong naipaliliwanag ang damdamin ko.
Noon, ito ang madalas na tungayaw ng aking bespren na si Anna... hindi ko raw kasi masabi ang nilalaman ng dibdib ko. Matagal panahon na kaming matalik na magkaibigan, pero hindi ko pa rin maipagkatiwala pati sa kanya ang damdamin ko. Luluha ako sa balikat nya. Ngunguyngoy hanggang sa maga na ang mga mata at basa na angd damit nya. Mamamalat ako sa kaiiyak, pero hanggang dun lang.
Bilang isang matalik na kaibigan, natutuhan na lamang nyang i- interpret ang ibig sabihin ng mga buntong-hininga ko, ang lamlam ng mga mata ko sa mga panahon ng tag-ulan, ang nagpapalitang hikbi at pag luha. Pero ni minsan, hindi ko nakuhang magsalita.
Hindi nya narinig mula sa akin ang magalit, hindi nya narinig mula sa akin ang mag damdam, hindi nya ni minsan narinig na sumuko ako o manlupaypay. Hindi nya nalaman ang bigat ng puso ko. Pero ramdam nya. Bilang matalik na kaibigan, alam nya.
Ito na marahil ang isa sa pinakamahabang entry ko sa PM, isang mahabang salaysayin bago ako magpaalam sandali. May mga maaring magsabing "pakialam ko!", sana mayroon din namang magsabing "nag aalala ako".
Hindi ko na gusto ang mga sinasabi ko sa mga nakaraan kong entry. Mahalay, mabigat, mapanakit at distorbo. Kung si Anna marahil ang magbabasa, alam niyang ang lahat ng iyan ay pawang kathang isip ko. Kung si Anna ang mag iinterpreta, marahil sasabihin nyang, "Nagpapatawa ka? Nagagaga ka na naman no? Anong horror movie na naman ang napanood mo?"
Kung kilala mo ako, kung kaibigan kita, marahil alam mo na may "split personality" ako. SPLIT, kasi sa isang iglap kaya kong maging tahimik, at kaya kong maging masayahin. Sa isang iglap pwede akong maging kaibigan, at pwede rin akong maging kaaway. Split, kasi nagagawa kong magpalit ng attitude depende sa taong kasama o kausap ko. Split dahil kahit siguro anong lungkot ko, o kahit anong saya ko...hindi mo makikilala kung ano o gaano ang emosyon ko sa pagkakataong iyon.
Sabi ng asawa ko mahirap daw akong unawain. Malalim daw kasi ang isip ko. Sabi ni Anna, magician daw ako. Kasi yung bagay na baluktot, o bagay na madilim nagagawa ko paring ituwid o paputiin. Sabi ng nanay ko, ako raw ang ilaw ng tahanan, hindi sya. Kaya raw marahil binigyan sya ng iisang anak babae, dahil ako daw ang nagiging liwanag sa bahay lalo na kapag paulit-ulit kong ginagawa at iniaakto ang kwentong "Ang Hapon at ang Japayuki". Sabi ng mga kapatid ko, isa daw akong Gaga. Nakakagaga sa kalokohan at nakakagaga sa mga pinagsasasabi, na minsan hindi nila inaasahan na sa akin manggagaling o ang maisip ko ang ganon.
Ang sabi ng tatay ko, ako raw ang kunsensiya niya. inilabas mula sa pagkatao nya na parang bantay sa gabi at umaga. Dahil gusto man daw nyang gumawa ng kalokohan, para daw akong multo na laging sumusulpot sa kung saan saan.
Sabi ng mga barkada ko, ako daw ang nanay. Ang pinagsasabihan nila ng kaitim-itiman ng kanilang buto. Kasi alam nila, para silang nag imbak sa ilalim ng lupa. Kasama kong mamamatay ang mga pinakatatago nilang sikreto. At mula sa araw na ibinulong nila sa akin ang lahat, hanggang sa mabulok ang natitira ko pang buto, walang makalalabas doon. Maliban na lang kung ako na pala ang huli sa mga pinagsabihan nila.
Sabi ng amo ko, dapat daw naging Abogado ako, o psychologist, o mas mainam daw kung naging manghuhula ako. Sensitibo raw kasi ako sa pangangailangan ng iba. Tulad sa kanya na madalas niyang ipagpasalamat sa akin. Hindi pa raw niya iniuutos, tapos ko na. Hindi pa nya sinasabi alam ko na. Kaya kapag mahina ang 'radar' ko, either daw puyat ako o gutom.
Sabi ng pinsan ko, ako daw ang bespren nya. Kasi hindi na raw nya kailangang mag salita. Lalo na kung mag dinaramdam sya. Madalas pa nga na mangyari, pareho lagi ang sinasabi namin. Kung siguro nakakayaman ang pagtuktok sa kahoy at pag wiwish ng "money for us", baka raw mayaman na kami.
Sabi ng biyenan ko, luka-luka raw ako. Kasi daw nagagawa ko syang pagsabihan ng hindi siya nagagalit sa akin. Kasi daw kahit nang ookray ako, palambing at may kasamang amor. Dala daw ng mabuti kong pagmamahal sa kanya kaya kahit nga ni minsan hindi pa kami nag kaalitan. Di raw kasi ako nag kikimkim ng kung ano man.
May iilan akong tunay na kaibigang maituturing. Mga kaibigan na hindi kailangang laging kausap, laging nakikita o laging kasama. Sila yung mga kaibigang naaalala ako sa malungkot at masayang bahagi ng buhay nila, sila yung mga kaibigang kahit pa nga nakatago na marahil ako sa bundok tralala, hindi pa rin ako makalilimutan. Sila yung mga taong hindi na kinakailangan ng maraming che-chebureche, basta solid ang friendship na nabuo.
Bakit ko ba pinagsasasabi ang ganito? Anong ibig kong sabihin. Hindi wala...marami. Dahil kung gaano ako kasensitibo sa mga mahal ko, ganoon ko hindi maintindihan ang sarili ko.
Per sasabihin ko ang totoo sa pagkakataong ito. Magulo ang isip ko. Pagod. Hirap.
Sa unang pagkakataon ata ng buhay ko, magsasalita ako ng nasa loob ko. Dala siguro ng pamilyang nawasak, ng pagkakalayo sa ina, ng hindi maiiyak na damdamin, ng malayo sa asawa, ng malayo anak, ng sandamakmak na pressure sa opisina, ng napakaraming intindihin sa buhay, ng napapagod na katawan... hindi ko makaya.
Dito sa blog, nailalabas ko ang iilan sa mga damdaming nagpapabigat ng puso ko. Dito sa blog nababasa ninyong lahat kung sino ako, dito sa blog humihinga ako ng sama ng loob ko, dito nakikinig sa akin ang buong mundo.
Sa ganong kaisipan naiibsan ang malungkot na buhay. Nakakaramdam ako ng iilang kakampi. Nakakadama ako ng kaunting pagkalinga.
Minsan kapag nag kwekwento si Mmy Ann ng buhay may asawa nya, lalo na nga at nagkaroon na sya ng sariling blog, natutuwa akong basahin ang lahat. Kasi alam ko ang kwento nyang iyon ang magsisilbi kong munting gabay kapag nandoon na ang sitwasyon ko.
Kapag nababasa ko ang buong pagmamahal at tyaga ni Mommy Jenn sa dalawa nyang chikiting, lalo pa nga at nangangailangan ng espesyal na kalinga ang kanyang unico iho, nararamdaman ko yung inspirasyon na lakasa n ko pa ang loob ko. Dahil kung kaya nya, kakayanin ko.
Kapag nababasa ko ang mga komedya ni TK tungkol sa bago nyang buhay bilang misis, na kahit pa ngamalayo sya sa kanyang minamahal, nasasabi ko sa sarili ko...hindi ako magsasawang maghintay, dahil tulad nyang nagmamahal, magtyatyaga rin ako.
Kapag naririnig ko na ang saway ni Mmy Lei, hindi ko na ito sinasansala, dahil alam ko..kung buhay ang pag uusapan, ni hindi ko pa naaabot ang kalahati ng pinagdaanan nya. Wala pa ako kung tutuusin.
Kapag nangaasar si Kneeko, kapag ultimo muta ko pinakikialaman nya, nagagawa kong ngumiti at tumawa, naaalala kong maganda ang buhay, simple at payapang buhay. Dahil nagawa akong pangitiin ng muta ko sa mata.
Iilan ang mga nabanggit, iilan na bahagi ng blogworld na ito. Marami pa kayong nariyan at patuloy na nagiging inspirasyon ko. Hindi ko man kayo nabanggit alam nyong mahalaga kayo sa akin.
Nagpapaalam ako sandali. Ito na kasi marahil ang pinaka down na sandali ng buhay ko. Irereconstruct ko lang sandali ang programming ng utak ko. I dedebug ko lang sandali ang damdamin ko. I rerefrag ang isip ko. I rererformat ang buhay.
Mahirap ang mag isa sa dilim, lalo na kung walang willing na hawakan ang kamay mong nanlalamig. Mahirap ang mabuhay na mag isa, yung may mga panahong mag isa mong ninanamnam ang pait ng buhay. Alam ko, papayuhan ninyo akong hinay hinay lang. Tao lang diba?
Alam ko po yun, kaya nga bago pa mag down ang system ko, uunahan ko na ng reformatting.
Tao lang ako...alam ko yun. Hanggang may pumapatak na luha sa mga mata ko, hanggang nagmamahal ako at nasasaktan, hanggang alam ko pa ang umasa at manampalataya, tao pa ako. Tao pa.
Magulo ako alam ko, mabigat sa dibdib. Bakit kailangang pag aksayahan ng panahon. Hindi ako nag pipity,...totoo lang mahirap na pakialaman ang taong magulo.
Ituring nyo na lang na pagod ako, nagpapahinga, natutulog.
Pag gising ko, babalik ako sa dating masayang ako. Nagdaraan lang po ako sa ilang masalimuot na "family matters".
Hindi ko man maibukas ang katotohanan, yuon ay dahil inilalaan ko ang kwento ko sa Maala-ala Mo kaya (see? kumikikig pa!).
Bukas makalawa, formatted na ako. Hindi lang 1.44MB ang capacity. 1000G, solido.